Naudlot na GOLD MEDAL sa OLYMPICS | Limang Pinoy Olympians sa Tokyo 2020

Sinu-sino ang limang pinoy athletes na sasabak sa 2020 Tokyo Olympics?

Ang 2020 Olympics na gaganapin sana nitong July 24 hanggang august 9 sa Tokyo Japan ay panandaliang napostponed muna dahil sa lumalaganap na pandemya. Ito ay nireschedule next year ngunit dadalhin parin nila ang pangalan na Tokyo 2020 sa kadahilanang pananatili ng kanilang marketing campaign na kanilang nasimulan bago pa ang pandemya. Pero sinu-sino nga ba ang mga pinoy athletes ang nakapasok na sa qualifiers at ang may chansang makasilat ng kauna unahang gintong medalya ng Pilipinas para sa Olympics?

Unahin natin ang pinoy middleweight boxer na si Eumir Felix Marcial, si Eumir ay pinanganak sa Lunzuran, Zamboanga City noong October 29, 1995. Sa edad na trese anyos, tinahak na ng batang marcial ang mundo ng amateur boxing kung saan sa loob lang ng tatlong taon ay tinanghal na siya bilang kauna unahang pinoy world junior boxing champion ng AIBA ng manalo siya ng gold medal kontra kay Cengiz Onat. Ilan pa sa kanyang mga parangal ay ang pagiging three time SEA Games Gold Medalist, 1 time Asian Games bronze medalist, 1 time AIBA World Championships silver medalist at ang pagiging gold medalist sa kakatapos lang na 2020 Asia and Oceania Boxing Olympic Qualification tournament na ginanap sa Amman, Jordan.

Nang maantala ang Olympics ngayong taon, ay nagpasya na si Marcial na tahakin ang professional boxing sa ilalim ng MP Promotions. Ayon sa Presidente ng MP promotions na si Sean Gibbons ay balak nito bigyan si Marcial ng tatlong laban sa professional boxing bago ito tuluyang bumalik sa kanyang preparasyon para sa Olympics. Kung hindi nyo naitatanong, Noong 2016 Rio Olympics ay pinayagan na ang mga professional boxers na irepresenta ang kanilang bansa pero kailangan pa muna nilang dumaan sa qualifiers para makapasok sa torneo. Sa dami ng kanyang offers sa ibat ibang boxing promoters, ay mas pinili nya ang MP Promotions, una ay dahil kay Manny Pacquiao at pangalawa ay dahil mas suportado nito ang kanyang hangarin na irepresenta ang Pilipinas kahit na siya ay Professional boxer na.

Ang pangalawa naman na maaaring makasungkit ng unang gintong medalya para sa Pilipinas ay ang gymnastics prodigy na si Carlos Yulo. Si Carlos Edriel Yulo ay ang unang Filipino na nagwagi ng gold medal para sa World Artistic Gymnastics Championships. Siya ay pinanganak sa Malate, Manila noong February 16, 2000 at siya ang pinakabatang atleta ng Pilipinas para sa darating na Olympics. Si Caloy ay nagqualify sa Tokyo 2020 dahil sa kanyang pagtungtong sa Finals ng 2019 World Artistic Gymnastics Championships kung saan siya nanalo ng gintong medalya para sa Pilipinas.

Sa murang edad ay nakitaan na ng potensial itong si Caloy sa Gymnastics, kaya siya ay inenroll sa Gymnastics Association of the Philippines ng kanyang lolo upang hasain ang kanyang natatagong abilidad. Siya ay binigyan ng free training ng Philippine Sports Commission sa Rizal Memorial Complex kung saan naging coach nya si Ricardo Ortero. Ilang gintong medalya din ang kanyang napanalunan sa Palarong Pambansa at Philippine National Games bago siya tuluyang lumipad papuntang Japan para mabigyan ng world class training sa gymnastics. Sa kanyang unang sabak sa SEA Games ay nagkaroon agad siya ng dalawang gold at limang silver medals sa pitong gymnastics event ng 2019 South East Asian games. Ang pagiging world champion niya sa gymnastics ay isang indikasyon na maaari na siya na nga ang hinihintay nating maguwi ng gintong medalya para sa Pilipinas.

Pangatlo sa ating listahan ay ang pinoy pole vaulter na si Ernest John Obiena. Siya ay anak ng mga atletang sina Jeanette at Emerson Obiena na dating SEA Games medalist at ngayoy tumatayo bilang Philippine national coach ng Pole Vaulting. Si EJ ay pinanganak noong November 17, 1995 sa Tondo Manila. Bago ang pole vaulting, ang unang nakahiligan ni EJ na sport ay ang hurdle kung saan naging varsity pa siya ng kanyang highshool sa chiang kai shek bago nakita ang kanyang potensyal sa pole vaulting ng lumipat na siya sa UST.

Since 2013, ay nirerepresenta ni EJ Obiena ang Pilipinas sa South East Asian Games ngunit nitong 2019 lumabas ang potential ni EJ bilang olympian pole vaulter dahil sa taong ito ay nakakuha siya ng tatlong gintong medalya sa Asian Athletic Championships, Universiade at South East Asian Games. Isama mo pa ang pagqualify niya sa Olympics noong September 3, 2019 ng sumali siya ng torneo sa italia kung saan nalagpasan niya ang Olympic qualifying standard na 5.8 meters. Si EJ ang may hawak ngayon sa national record na 5.81 meters clearance para sa pole vaulting.

Ang pangapat na nagqualify naman para sa Olympics ay ang Filipina amateur boxer na si Irish Magno. Si Irish ay tubong Iloilo city kung saan una siyang nadiscover sa Town Plaza ng siya ay yayain ng boxing coach na magtraining bilang boksingero. Nang malaman niya na ang boxing ang magiging daan para siya ay makapagaral ng kolehiyo, ay agaran niyang kinuha ang oportunidad na matulungan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng edukasyon. Nung una ay hindi niya pinapaalam sa kanyang magulang na siya ang nageensayo na sa boxing ngunit nung siya ay papunta na ng maynila para magaral ay tsaka palang niya sinabi na tatahakin nya na ang buhay boksingera.

Si Irish Magno ang kauna unahang Filipina boxer na nagqualify sa olympics sa parehong qualifying tournament na sinalihan din ni Eumir Marcial sa Amman, Jordan. Nagqualify siya ng talunin niya ang tajikistan boxer na si Sumaiya Qosimova sa score na 5-0. Simula 2013 ay nirerepresenta na ni Irish Magno ang Pilipinas sa South East Asian Games kung saan nakakuha siya ng dalawang silver at isang bronze medal. Para kay Irish Magno, ang pagsunod sa payo ng kanyang mga coaches ang naging susi sa kanyang tagumpay at hindi niya mararating lahat ng iyon kung wala sila.

Ang panglima naman ay ang natatanging pinoy silver medalist ng 2016 rio olympics na si Hidilyn Diaz. Si Hidilyn ay pinanganak sa Zamboanga City noong February 20, 1991. Si Hidilyn ang panglima sa anim na magkakapatid ng kanyang magulang na si Eduardo at Emelita Diaz. Siya ay naimpluwensiyahan ng kanyang pinsan na si Allen Jayfrus Diaz na dating weightlifting athlete na mahumaling sa larangan ng pagbubuhat. Simula 2007 ay nirerepresenta niya na ang Pilipinas para sa South East Asian Games at noong 2008 Olympics, siya ang pinakabatang weightlifters sa kanyang division at ang kauna unahang filipina weightlifter na nakapasok sa Olympics.

Si Hidilyn Diaz ay hindi pa opisyal na pasok para sa Tokyo 2020 Olympics dahil sa travel ban sa Columbia nung March kung saan gaganapin sana ang huling olympic weightlifting qualifying event. Siya ngayon ay patuloy na nagttraining sa Malaysia kasama ang kanyang teamHD na pinamumunuan ng kanyang head coach na si Kaiwen Gao at ng boyfriend nito na si Julius Naranjo. Alam naman natin na pasok na itong si Hidilyn sa Olympics kung natuloy lang ang kanyang qualifiers dahil siya ay silver medalist na sa olympics at naging gol d medalist sa kakatapos lang na asian games.

Itong lineup na ito ay isa sa mga promising athletes na maaaring magbigay ng unang gintong medalya ng Olympics para sa Pilipinas. Ang pagrereschedule ng Olympics ay magbibigay ng karagdagang oras para sila ay magensayo pa ng mabuti at pagaralan ang kanilang magiging kalaban sa paligsahan. Sino kaya kina Eumir, Caloy, EJ, Irish at Hidilyn ang maguuwi ng gintong medalya?

Watch the video:

Follow us on Our Social Media Accounts:

Facebook: https://www.facebook.com/PhilippineSportsHistory/

YouTube: https://www.youtube.com/philippinesportshistory

Instagram: https://www.instagram.com/philippinesportshistory/

Twitter: https://twitter.com/PhSportsHistory

TikTok: https://www.tiktok.com/@philippinesportshistory

Spotify: https://open.spotify.com/show/3XNxdJIicp9i91GGpXsHeu

Website: https://phsportshistory.com/

Patreon: https://www.patreon.com/philippinesportshistory

Support our Podcast: https://anchor.fm/philippine-sports-history/support