Donnie Ahas Nietes Story

Ating kilalanin ang Pinoy boxing champion na sumira sa record ni Flash Elorde.

Kapag napaguusapan kung sino nga ba sa mga pinoy boxers ang may pinakamatagal na record na pagiging champion ay nangunguna diyan ang pangalan ni Donnie “Ahas” Nietes. Siya lang naman ang bumasag sa dating record ni Flash Elorde na pitong taon na pagiging kampeon sa super featherweight division. Pero bago yan ay atin munang talakayin ang boxing history ni Donnie Nietes.

Si Donnie Liboon Nietes ay pinanganak noong May 12, 1982 sa Murcia, Negros Occidental. Nakuha niya ang boxing nickname na “Ahas” dahil siya ay nagsimula bilang Utility man sa ALA Gym at siya lang ang may lakas loob na pakainin at alagaan ang limang naglalakihang python na alaga ng kanyang amo na si Antonio Lopez Aldeguer. Naenganyo si Donnie na magensayo at makilahok sa mga boxing sparrings sa kanyang pinagttrabahuhan kung saan nakitaan siya ng potential sa paglalaro ng boxing. Sa edad na bente anyos, ay sinabak na ng ALA promotion ang dating utility man nito para sa kanyang pro boxing debut na ginanap sa San Fernando, Cebu noong April 25, 2003 kung saan nakuha niya ang kanyang unang panalo kontra sa kalaban na si Walter Suaybaguio.

Makaraan ang isang taon, ay nakalikom na agad si Nietes ng 8-0 record at nabigyan agad ng pagkakataon para sa isang national title fight para sa PBF light flyweight kung saan ni-knockout agad ni Nietes ang kalaban na si Joseph Villasis sa loob ng first round. Dahil sa pagiging kampeon sa loob ng Pilipinas ay napagpasyahan ng ALA promotion na ilaban na siya sa bansang indonesia at sa kanilang boxer na si Marti Polii. Ito ay naganap makaraan ang tatlong buwan mula ng siya ay maging national champion kung saan pinatunayan ni Nietes na kaya na niyang makipagsabayan sa mga international boxers sa pamamagitan ng 7th round TKO kay Marti Polii.

Alam nyo ba na sa buong boxing career ni Ahas ay nagkaroon lang siya ng isang talo? Ito ay naganap pa noong September 28, 2004 kalaban si Angky Angkota kung saan 21 days lang ang pagitan ng huling laban niya pagkatapos nyang pataubin ang kababayan nito na si Abrin Matta. Dahil nung lumipad si Nietes para sa unang international fight niya sa indonesia ay nakaschedule siyang labanan ang tatlong indonesian boxer na si Marti Polii, Abrin Matta at Angky Angkota sa loob lamang na dalawang buwan na agosto at setyembre ng taong 2004. Ang mas nakakabilib pa diyan ay natalo lamang si Donnie via 10round split decision kaya masasabi na ang tanging pagkatalo ni Nietes sa kanyang pro boxing career ay dulot ng kakulangan ng stamina sa huling laban nito sa indonesia.

Nang madungisan na ang boxing record ni Nietes ay nanatili muna ito sa Pilipinas ng dalawang taon upang hasain ang kanyang boxing skills at makipagsagupaan muna sa mga kapwa pinoy boxers bago ito sumabak sa isang regional title match noong November 24, 2006 kalaban muli ang isang indonesian boxer na si Heri Amol. Ito ay naganap sa Mandaue City Cebu kung saan tinapos agad ni Nietes ang laban sa loob ng 2nd round para tanghalin na WBO Asia Pacific minimumweight champion. Nadepensahan niya ito ng dalawang beses sa dalawang thai boxers bago magkaroon ng chansa para sa una niyang world title fight na WBO minimumweight championship.

September 30, 2007, ginanap ang laban ni Donnie Nietes at Somporn Seeta sa Waterfront Hotel sa Cebu City para sa bakanteng titulo ng WBO minimumweight title kung saan natapos ang laban via unanimous decision pabor kay Nietes. Dito nagsimula ang record ni Donnie Nietes na bumasag sa dating record ni Flash Elorde na pagiging 7 years champion noong 1960s sa super featherweight division. Makalipas ang apat na taon at apat na title defense ay nagpasya na si Ahas na umakyat na ng division kung saan kinailangan niya lang ng isang tune up fight para sa light flyweight division bago siya bigyan ng world title fight kalaban ang WBO champion na si Ramon Garcia Hirales na nagkataon naman na dating nagpahirap sa kababayan na si John Riel Casimero. Ang laban ay ginanap sa Bacolod City noong October 8, 2011 kung saan nagtapos ang laban sa isang unanimous decision pabor kay Nietes upang siya ay tanghalin na two division world champion.

Nagkaroon ng siyam na matagumpay na title defense si Ahas sa kanyang WBO light flyweight belt sa loob ng limang taon sa dibisyon kung saan tuluyang nalagpasan na ni Ahas si Flash Elorde bilang longest reigning Filipino World Champion. Ayon sa Philboxing.com, January 1, 2015 ay formal ng inihayag na si Donnie Nietes na nga ang may hawak sa record. Ang pagkakaiba lang ay si Nietes ay naging kampeon sa apat na dibisyon at naging undefeated simula nung siya ay makatikim ng kanyang unang world title.

Taong 2016, ay sinubukan muli ni Nietes na umakyat ng dibisyon kung saan nagkaroon lamang ito ng tatlong laban para sa Flyweight division. Siya ay nabigyan agad ng laban para sa isang regional title kung saan tinalo niya si Edgar Sosa sa loob ng Amerika noong September 24, 2016 na nagresulta sa isang unanimous decision. Pagkaraan ng laban na yan ay binigyan na siya ng chansa sa kanyang pangatlong titulo kung saan nilaban si Donnie sa isang thai boxer para sa bakanteng titulo ng IBF Flyweight division noong April 29, 2017 na ginanap sa Cebu City na nagtapos ulit sa isang unanimous decision pabor kay Nietes. Bago tuluyang umakyat ulit si Donnie para sa super flyweight division ay pinagbigyan niya muna ang isang contender na si Juan Carlos Reveco para sa isang title match kung saan tinapos ni Ahas ang laban sa loob ng seventh round.

Sa kanyang pagakyat sa kanyang pangapat na dibisyon ay agaran naman itong sinabak sa isang world title fight na nagkataon naman na ito ay laban kontra sa kapwa Filipino boxer na si Aston Palicte. Ang laban ay ginanap sa Inglewood California noong September 8, 2018 kung saan nagtapos ang laban sa isang draw at dahil diyan ay pagkaraan ng tatlong buwan ay pinaglabanan muli ang bakanteng titulo ng WBO super flyweight title kung saan kalahok muli si Ahas kalaban ang japanese boxer na si Kazuto Ioka. Ito ay ginanap sa Macau noong December 31, 2018 na natapos sa isang split decision pabor kay Donnie Ahas Nietes. Ito ang pangapat na world title belt ni Ahas at siya ang pangatlong Asyano na naging kampeon sa apat na dibisyon kasama si Manny Pacquiao at Nonito Donaire.

Dahil sa pagkapanalo ni Ahas sa kanyang WBO Super flyweight title ay muling naghamon ang kampo ni Aston Palicte ng isang rematch para tangkain na agawin ang titulong napanalunan niya ngunit nagpasya ang four division champion na bakantehin nalang ang kanyang titulo kaysa makipaglaban muli sa isang Pilipino. Dahil diyan, nagtunggali ang dalawang dating kinalaban ni Nietes na si Aston Palicte at Kazuto Ioka para sa bakanteng titulo na WBO Superflyweight title kung saan na TKO ang pinoy sa 10th round at tuluyang mapunta sa panig ng mga hapon ang dating titulo ni Nietes.

Simula nung laban ni Nietes sa hapones na si Ioka noong 2018, ay hindi pa ito nasusundan ng laban at magdadalawang taon na itong bakante sa mundo ng boxing. Ayon sa interview ng Sunstar Cebu noong April 14, 2020 ay wala pang balak magretiro ang Ahas ng Pinoy Boxing dahil may inaasam pa siyang dream fight mula sa mga kapwa champion sa kanyang dibisyon na sina Juan Francisco Estrada at Roman Chocolatito Gonzalez pero hindi naman daw siya magaantay sa wala sapagkat kung hindi naikasa ang laban na inaasam niya sa taong ito ay mas gugustuhin na lang niya magretiro sa boxing.

Bukod sa pagiging four division world champion at longest reigning filipino champion ay siya rin pala ang may hawak sa pinoy record na most World title defense na 14 fights kung saan pangalawa lang ang pambansang kamo na may 12 title defense. Si Ahas naman ang pangalawa sa Most World title fight wins na may suma total na 18 wins kung saan siyempre nangunguna si Manny Pacquiao.

Utang na loob ni Donnie Ahas Nietes ang kanyang pagiging boksingero sa ALA Gym dahil kundi siya naging janitor doon ay hindi madidiscover ang kanyang talento sa boxing. Sa inyong palagay, kung lumipat si Donnie Nietes sa ibang bigating promoter ano pa kaya ang maaari nitong marating sa mundo ng boxing?

Itong video na ito ay isang pagpupugay sa natatanging Ahas in Philippine Sports History. Kung gusto mo pang makaalam ng ibat ibang sports history sa Pilipinas ay icomment ang yong video suggestion at paki press narin ang like button bilang suporta sa ating mga videos. Wag kalimutang magsubscribe para updated ka sa bago nating content. See you on the next episode.

Watch the video:

Follow us on Our Social Media Accounts:

Facebook: https://www.facebook.com/PhilippineSportsHistory/

YouTube: https://www.youtube.com/philippinesportshistory

Instagram: https://www.instagram.com/philippinesportshistory/

Twitter: https://twitter.com/PhSportsHistory

TikTok: https://www.tiktok.com/@philippinesportshistory

Spotify: https://open.spotify.com/show/3XNxdJIicp9i91GGpXsHeu

Website: https://phsportshistory.com/

Patreon: https://www.patreon.com/philippinesportshistory

Support our Podcast: https://anchor.fm/philippine-sports-history/support